Thursday, 4 October 2007

Ibang Pananaw sa Simulain ni Adan at Eba.

[Ang scenario: Pinakitaan kami ng litrato ni Sir Santi: Lalaki at babae sa loob ng kabibiyak lang na kawayan. Mga simulain ni Adan at Eba, ika nga.Tapos kailangan namin gawan ng istorya na kaiba sa current stories na .]

Ventura, Ivy Razel B.

III-Potassium

Hindi na Kailangan ng Kawayan

Sa pagsilay ng araw sa bagong umaga, normal naman ang lahat—ang ibon ay maligayang humuhuni habang sumasabay ang mga halaman at kawayan sa saliw ng pag-ihip ng hangin. Ang himpapawid ay napapalamutian ng mga puting-puting ulap na animo’y malalambot na bola ng bulak. Maaliwalas ang kalangitan at payapa ang kapaligiran. Lahat ay normal maliban sa mahiwagang kawayang tila atat nang mabuksan.

Crack.

Unti-unti na ngang nabibiyak ang kawayan. At nang tuluyan na itong mahati sa gitna, nalantad ang dalawang nilalang na kaiba sa mga hayop at halamang nakapaligid sa kanila. Ang isa ay may mahabang buhok, balingkinitang katawan at may makaagaw-pansing kagandahan. Babae ang tawag sa kanya. Ang kanyang kasama ay may maikling buhok at matipunong pangangatawan. Lalaki naman ang tawag sa kanya.

Si Lalaki at Babae ay kapwa hubad, ngunit parang ‘di nila ito alintana. Tila ba nakikisabay lang sila sa nakaaaliw na ritmo ng kalikasan na wari bang matagal na silang kabilang dito. ‘Di man bakas sa kanilang mga mukha ang pag-aalala, hindi lingid sa kanila ang responsibilidad na dapat nilang gampanan—ang pag-aalaga sa lahat ng nakapaligid sa kanila.

‘Di magtatagal ay babalik din sina Babae at Lalaki sa lupa, gaya ng mga anak, at kaanak-anakan ng mga anak nila. Hanggang makarating sa kasalukuyang salinlahi ang responsibilidad nila. Kasulukuyang salinlahi? Oo, tayo ‘yun. Nasa ating mga kamay ang tadhana ng bawat nilalang dito sa ‘ting mundo. Nasa atin ang hamon ng ipagpatuloy ang nasimulan na nina Babae at Lalaki, at itama ang mga pagkakamali ng mga naunang salinlahi.

Siguro naman ay hindi natin kailangan pang magmula sa kawayan para malaman ang pangangailangan ng ating kalikasan. Kusa at paninindigan lang ang kailangan upang magampanan ang ating tungkulin bilang mga tagapagbantay.

No comments:

Post a Comment